Phivolcs: Taal Volcano nagkaroon ng phreatic eruption kanina
Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nagkaroon ng tinatawag na steam-driven o phreatic eruption ang Bulkang Taal kaninang madaling araw.
Sa inilabas na abiso ng ahensiya, sa pagitan ng ala-5:11 at ala-5:24 naganap ang pagsabog at nagresulta ito nang pagbuga ng usok na umabot sa taas na 2.4 kilometro.
Paliwanag ng Phivolcs, ang pangyayari ay bunga ng patuloy na pagbuga ng manit na volcanic gases sa Taal Main Crater at maaring masundan pa.
Nanatiling nasa Alert Level 1 ang bulkan nangangahulugan na ito ay may mga abonormal na aktibidad.
Sa ngayon ay isinasantabi pa ang posibilidad ng magmatic eruption base sa mga naitalang volcanic quakes at ground deformation.
Nasa average na 10,248 tonelada kada araw naman simula noong Enero ang ibinubugang asupre ng bulkan.
Inabisuhan ang mga lugar malapit sa bulkan na manatiling alerto at maingat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.