Umaasa si Senator Imee Marcos na magkakaroon pa ng mga pag-uusap ang lahat ng stakeholders bago matapos ang deadline sa public utility vehicle (PUV) consolidation.
Kasunod ito ng pahayag ng kanyang nakakabatang kapatid, si Pangulong Marcos Jr., na hindi muling palalawigin ang deadline na itinakda sa Abril 30.
Naniniwala ang senadora na marami pang isyu na bumabalot sa kontrobersiyal na PUV Modernization program ang kailangan mabigyan ng linaw, tulad ng pagpopondo para sa modern jeepneys at requirements para sa transport cooperatives.
Idinagdag pa ni Marcos na kailangan din ganap na marinig ang damdamin ng mga estudyante, konsyumer at ang mga maapektuhan ng pagkasa ng programa.
Una nang inihain ni Marcos ang Senate Resolution 893 upang madinig ang saloobin ng stakeholders, gayundin ang pagkontra ng transport groups.