PNP handang sumaklolo sa mga pasaherong maaapektuhan ng transport strike
Aalalay ang pambansang pulisya kung kakailanganin para maibsan ang anumang magiging epekto sa mga pasahero ng isasagawang transport strike sa Lunes, Abril 15.
Sinabi ni PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo handa silang gamitin ang kanilang mga sasakyan na mag-aalok ng libreng sakay katuwang ang iba pang ahensiya ng gobyerno.
“Habang nagpapatrol yung mga pulis natin sa daan at may matitiyempuhan dyan na kasama kayo sa naapektuhan ng transport strike, parahin niyo lang yung mga patrol vehicles ng PNP at aalalayan at bibigyan kayo ng assistance para makarating doon sa inyong mga patutunguhan,” aniya.
Dagdag pa ni Fajardo na may pakikipag-ugnayan na rin sila sa ilang transport groups ukol sa gagawin na kilos-protesta.
“This early ay nakikipag ugnayan na tayo sa transport groups para mabigyan din natin sila ng protection at maidentify yung mga possible rally areas nila para hindi naman ito maging cause ng traffic obstruction or traffic congestion. Ibibigay natin sa kanila ang araw na yan but of course we will exercise maximum tolerance para naman hindi magkaroon ng anumang gulo kung darating yung araw na talagang magra-rally sila sa mga kalsada nila,” dagdag pa ng opisyal.
Nag-anunsiyo na ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA) ng transport strike sa Lunes.
Reaksyon ito ng dalawang grupo sa sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na hindi na palalawigin pa ang itinakdang deadline sa Abril 30 para sa ” franchise consolidation” ng public utility vehicles (PUV) kaugnay sa programang modernisasyon sa mga sasakyang-pampubliko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.