Naniniwala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mass transport system ang solusyon sa problema sa trapiko sa Metro Manila.
Ito aniya ang dahilan kayat minamadali ng pamahalaan ang pagpapagawa ng mass transit projects sabay pag-amin na nagsisilbing balakid sa pag-unlad ang trapiko,
Sinabi ito ng Punong Ehekutibo sa Bagong Pilipinas Townhall Meeting on Traffic Concerns sa San Juan City.
“Nakikita natin sa mga ibang lugar, kahit ‘yung mga — pag pupunta ka, sasakay ka ng tren, sasakay ka ng subway, makikita mo lahat ng klase ng tao doon sumasakay. Kahit ‘yung mga mayayaman na may kaya, sumasakay sa tren dahil ‘yun ang pinakamabilis. Iyong malalaking siyudad, New York ganoon, London ganoon,” aniya.
“Kaya talagang ito ay minamadali natin dahil nababanggit nga na napakalaki ang sagabal sa progreso natin itong traffic, hindi lamang sa oras na nasasayang, sa gasolina na nasasayang sa kakaantay na ura-urada sa daan, at yung gastos ng ating mga commuter,” dagdag pa ni Marcos Jr.
Binanggit pa niya ang ilan sa mga mass transit projects – ang North-South Commuter Railway project, na aniya ay 61 porsiyento ng kumpleto samantalang ang North-South Commuter Railway Extension Project, or Malolos to Clark naman ay 56.5 porsiyento ng bahagi ang natatapos.
Bukod pa dito ang North-South Commuter Railway Extension Project-South extension, or Manila to Calamba(38%), Metro Manila Subway Project (41%), LRT Line 1, Cavite extension (80%); MRT Line 3 rehabilitation and maintenance, (85%); Unified Grand Central station, o ang Quezon City common station (83%) ; at ang MRT line fmula Quezon City hanggang Bulacan (67%).