Ang sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS) ang isa sa mga tatalakayin sa bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at US President Joe Biden sa pagbisita muli ng una sa Estados Unidos sa susunod na linggo.
Ito ang tiniyak ni National Security Adviser Eduardo Año sa pagsasabing; “Yes, the South China Sea issue will be among issues to be discussed.”
Bukod dito, pag-uusapan din sa muling pagpupulong ng dalawang lider ang mga joint programs ng mga ahensiya ng dalawang bansa na napagkasunduan nang magtungo sa Amerika si Marcos noong Mayo 2023.
Kabilang na ang sa kalakalan, pamumuhunan, kalusugan, kalikasan, enerhiya, seguridad at iba pa.
Una nang nakipagpulong si Año kay US National Security Advisor Jake Sullivan at napag-usapan ang makasaysayang Philippines-Japan-US trilateral leaders’ summit sa Abril 11.
Tiniyak ni Sullivan sa pulong na tutupad ang US sa mga pangako sa Pilipinas sa ilalim ng Ph-US Mutual Defense Treaty.