Hinikayat ng pambansang-pulisya ang mga taga-suporta ni Pastor Apollo Quiboloy na kumbinsihin ito na sumuko na kasunod nang pagpapalabas ng warrant of arrest para sa nagtatag ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
“Ang pakiusap natin sa mga supporters at mga kaibigan ni pastor ay sana po ay tulungan nya kami na makiusap kay pastor na harapin na lamang nya ang kaso nya na ito at maging mahinahon sa magiging proseso ng kanyang pagsuko… respetuhin po natin ang judicial process,” ani PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo.
Pagtitiyak ni Fajardo na irerespeto ng mga awtoridad ang mga karapatan ni Quiboloy.
Babala na rin ng opisyal na maaring makasuhan ang mga mapapatunayang nagkakanlong kay Quiboloy.
Una nang naaresto at sumuko ang tatlo sa kapwa akusado ni Quiboloy sa kasong child abuse at agad din nakapag-piyansa ang mga ito.
Sa kasalukuyan ay pinaghahanap ng mga tauhan ng Davao City Police, PNP – CIDG at ng mga ahente ng NBI si Quiboloy.