Gov’t employees, may pag-asa pa sa dagdag-sahod; panukalang SSL, muling inahin sa Kamara
May pag-asa pa ring makatikim ng dagdag-sahod ang mga empleyado ng gobyerno.
Ito ay kung makakalusot sa 17th Congress ang muling binubuhay na panukalang Salary Standardization Law, na nabigong mapagtibay noong 16th Congress.
Batay sa inihaing proposed SSL ni Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr., mula Presidente at Bise Presidente, hanggang sa mga kasapi ng gobyerno gaya ng mga pulis, sundalo at iba pang uniformed personnel ang makikinabang ng taas-sweldo.
Ani Belmonte, layunin ng dagdag na sahod sa pamahalaan na umangat ang take home pay ng mga empleyado at maka-agapay sa mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.
Kapag naging ganap na batas, 4 tranche o hahatiin sa apat ang dagdag-sahod, na retroactive sa January 01, 2016 at tatagal hanggang January 01, 2019.
Nasa average naman na 45 percent ang itataas sa sweldo ng mga taga-pamahalaan hanggang sa matapos ang implementasyon ng SSL, at inaasahang papantay na ito sa 70 percent ng rate sa pribadong sektor.
Ang pagkakaiba ng bagong SSL, ang wage hike ng mga nasa gobyerno ay ibabatay sa duties, responsibilities, accountabilities at qualification requirements ng posisyon.
Nililinaw naman sa panukala ni Belmonte na hindi magagalaw ang iba pang benepisyo, bonuses, at allowances na kasalukuyang tinatanggap ng mga taga-burukrasya.
Nakasaad din sa panukalang SSL ni Belmonte suspendihin muna ang indexation ng pensyon ng mga retiradong sundalo at iba pang unipormadong personnel, partikular sa base pay increase na ipapatupad sa ilalim ng panukala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.