Kampo ni Dureza, nakikipagnegosasyon umano sa ASG para sa kaligtasan ng Norwegian hostage

 

Pansamantalang sinuspinde ng Abu Sayyaf Group ang pagpugot sa ulo ng kanilang Norwegian hostage dahil sa pagpayag umano ng kampo ni peace adviser Jesus Dureza na makipagnegosasyon sa kanila.

Ayon sa source ng Inquirer, isang emisaryo sa kampo ni Dureza ang tumawag at nakipag-usap sa tagapagsalita ng Abu Sayyaf Group na si Abu Rami.

Wala namang kumpirmasyon pa ang panig ni Dureza hinggil sa naturang impormasyon.

Gayunman, iginiit ni Rami na itutuloy nila ang pagpatay sa sa Norwegian kung hindi aalisin ng gobyerno ang kanilang ‘no ransom policy’.

Iginigiit ng ASG ang ransom demand na P300 milyon kapalit ng kaligtasan ni Sekkingstad na ilang buwan nang bihag ng bandidong grupo.

Banta pa ni Rami, handa silang pugutan ito ng ulo anumang oras kung hindi ibibigay ng gobyerno ang kanilang hinihinging pera.

Si Sekkingstad ang nalalabing bihag ng grupo ng Abu Sayyaf na dumukot sa apat na katao sa isang resort sa Samal island noong Setyembre ng nakaraang taon.

Una nang pinugutan ng ulo ng grupo ang dalawang Canadian hostage na sina John Ridsdel at Robert Hall samantalang pinalaya naman kamakailan ang Pinay na si Marites Flor.

Read more...