Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, isa sa mga magiging pagbabago sa Department of Education (DepEd) sa ilalim ng kaniyang pamumuno ay ang pagsiyasat at pagpapalakas ng syllabus tungkol sa drug education.
Maliban dito, posible pa aniyang magpatupad sila ng hiwalay na subject tungkol dito alinsunod na rin sa isinusulong na polisiya ni Pangulong Duterte laban sa iligal na droga.
Ayon pa kay Briones, naatasan na sila ng pangulo na simulan na ang pagre-review sa syllabus, at iniutos na simulan ang pagtuturo ng drug literacy mula sa mga estudyanteng Grade 4.
Sa kasalukuyang curriculum naman ay kasama na ang drugs syllabus, ngunit kulang ito sa mga praktikal na aspeto na maaring makatulong sa mga bata na makaiwas sa tukso ng droga.
Dapat aniyang maituro sa mga bata kung paano nila malalaman kung sila ba ay ine-engganyo na sa ganitong iligal na gawain, kung paano sila tatanggi at kung saan sila dapat magsumbong sakaling may mag-alok sa kanila nito.
Handa rin aniyang tumulong si PNP Chief Ronald dela Rosa sa pagpapatibay ng curriculum ng Grade 4 students kaugnay sa pag-laban sa iligal na droga.