Jinggoy pumalag sa pag-uugnay kay Erap sa Ph-China agreement sa BRP Sierra Madre

Walang kasunduan ang Pilipinas at China sa pag-alis ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. (FILE PHOTO)

Pinasinungalingan ni Senator Jinggoy Estrada ang pag-uugnay ni dating presidential spokesman Harry Roque kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa sinasabing kasunduan ng Pilipinas at China ukol sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal

Ani Estrada nakakadismaya at hindi katanggap-tanggap ang pahayag ni Roque dahil ito ay walang basehan at kapos sa impormasyon.

Minsan ko nang pinanindigan sa isang privilege speech na walang kasunduan o pangakong binitawan ang aking ama, ang dating president Joseph Estrada, sa pagtanggal ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal at ito’y pinatotohanan pa ng mga noo’y defense and security officials gaya ni dating  Defense Secretary Orlando Mercado,” sabi ni Estrada sa inilabas na pahayag ng kanyang opisina.

Sinabi pa nito na nagdudulot lamang ng kalituhan at pagdududa sa mismong integridad at kapabilidad ng Pilipinas na ipaglaban ang sobereniya kasabay ng lumalalang pagka-agresibo ng China sa West Philippine Sea (WPS).

“Amid all these pronouncements, it’s praiseworthy that the Marcos administration is taking concrete actions to protect our sovereign rights and territorial integrity. Any efforts made to address this ongoing and escalating aggression by China should be supported and encouraged,” dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on National Defense and Security.

Sa kanyang naunang pahayag, inamin ni Roque na walang siyang matibay na impormasyon ukol sa sinasabing kasunduan nang pag-alis ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Aniya ang kasunduan naman ay hindi iniuugnay kay dating Pangulong Duterte kundi kay dating Pangulong Estrada.

 

Read more...