Patay sa Baghdad bombing, humigit na sa 200, DFA nakiramay

 

Pumalo na sa mahigit 200 ang bilang ng mga nasawi sa double bombing sa Baghdad, Iraq na isa sa mga pinakamadugong pag-atake sa bansa na kagagawan ng Islamic State group.

Ayon sa mga opisyal sa Baghdad, hindi na bababa sa 213 ang kabuuang bilang ng mga nasawi, habang mahigit 200 rin ang naitalang mga nasugatan sa serye ng mga pagsabog.

Kasabay ng pagdedeklara ng tatlong araw ng pagluluksa sa buong bansa, inihayag ni Iraqi Prime Minister Haider al-Abadi na pananagutin nila kung sino man ang mga responsable sa mga pag-atakeng ito.

Ayon naman kay Baghdad Provincial Council deputy head of security committee Mohamed al-Rubaye, 81 sa mga nasawi ay sobrang nasunog at kakailanganin pa ng DNA testing upang sila ay makilala.

Bagaman dalawang araw na ang nakalilipas, umaasa pa rin ang ilang mga pamilya na may masasagip pa ang mga rescuers habang patuloy pa ang kanilang isinasagawang operasyon.

Samantala nagpahatid na rin ng pakikiramay ang Pilipinas sa bansang Iraq kaugnay ng insidenteng ito sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon pa sa pahayag na inilabas ng DFA, nakikiisa ang Pilipinas sa buong mundo sa pag-kondena sa anumang uri ng terorismo.

Read more...