Inasunto ni Filipino International fashion designer Rodolfo “Puey” Quiñones Jr. ang vlogger / blogger Maharlika ng Boldyak TV, a YouTube channel, dahil sa mga walang basehan na paninira.
Ang mga asunto ay base sa mga pahayag ni Maharlika, na Claire Contreras sa tunay na buhay, na peke ang mga likha ni Quiñones Jr., na inakusahan pa ng panggagantso kay First Lady Liza Araneta-Marcos.
Sinabi pa ni Quiñones Jr., na lubha siyang apektado ng mga maling alegasyon, maging ang kanyang negosyo at reputasyon.
Ang kanyang mga reklamo ay inihain sa Superior Court of the State of California sa Los Angeles.
Nabatid na hiniling na ng mga abogado ng sikat na fashion designer kay Contreras na alisin ang video at bawiin ang kanyang mga maling pahayag.
Nabatid na tumanggi si Contreras na sumunod sa mga nilalaman ng cease-and-desist letter mula kay Quiñones Jr.
Pinatitigil na rin siya sa paninira kay Quiñones Jr., at sa mga negosyo nitong CocoMelody at Quiñones Couture.
Bukod pa dito, humihingi din ang kampo ni Quiñones Jr., ng danyos na $2 million, bukod pa sa ibang danyos na madedetermina sa paglilitis ng korte sa kaso.
Wala pang inilalabas na pahayag mula sa bahagi ni Contreras.