Palasyo nabahala na rin sa dami ng mga napapatay sa anti- drug ops
Bagaman layunin ng Duterte administration na solusyunan ang problema sa iligal na droga, naalarma pa rin ang Malacañang sa lumalaking bilang ng mga napapapatay sa mga operasyon ng mga otoridad kontra dito.
Ayon kay presidential spokesperson Ernesto Abella, alam naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kaganapan sa mga operasyon kontra iligal na droga at ang pagdami ng mga napapatay na drug suspects.
Aniya, nakababahala ito dahil isa itong indikasyon ng kung gaano na kalubha ang problema ng iligal na droga sa bansa.
Mula kasi nang opisyal nang maupo bilang pangulo si Duterte noong June 30, hindi bababa sa 23 ang drug suspects na napatay.
Bukod sa Palasyo, nabahala rin ang National Union of People’s Lawyers at sinabing dapat nang matigil ang mga pagpatay.
Ayon sa kanilang secretary general na si Atty. Edre Olalia, kasabay ng pagpuksa sa problema sa droga ay dapat ring matigil ang lumalawig na summary executions sa mga hinihinalang tulak at gumagamit ng droga.
Paliwanag naman ni Abella, sa kabila ng mainit na dugo ni Duterte laban sa iligal na droga, naniniwala pa rin siyang dapat itong puksain alinsunod sa batas.
Samantala, libu-libong mga drug suspects naman ang nagsi-suko na sa mga pulis sa iba’t ibang panig ng bansa mula sa Metro Manila, hanggang sa mga lalawigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.