“Ambush me” sa pamamaril sa Leyte mayor driver pinasisilip

Hinikayat ni dating CA Justice Vicente Veloso na ikunsidera ang “ambush me” sa insidente ng pananambang sa Alangalang, Leyte. (ALANGALANG MPS)

Hiningi ni dating Court of Appeals Justice Vicente Veloso sa pambansang pulisya na magsagawa ng malalim na pag-iimbestiga sa pamamaril sa driver ni San Isidro, Leyte Mayor Remedio Veloso.

Sinabi ni dating Justice Veloso na nararapat din na tingnan ng pulisya ang anggulong “ambush me” ang nangyari sa driver ni Mayor Veloso sa bayan ng Alangalang.

Pinag-iisipan na nasa likod si dating Justice Veloso sa pananambang.

Aniya noong 2019 tinambangan na rin ang naturang driver ni Mayor Veloso at gaya ng huling pangyayari ay hindi din ito nasugatan.

Sinabi pa ng dating mahistrado na pulitika ang nakikita niyang motibo sa pagdududa sa kanya dahil nagdeklara na siyang kakandidato sa pagka-kongresista sa eleksyon sa susunod na taon.

Dagdag pa nito, kung may kinalaman ang kanilang pamilya sa insidente dapat ay ipagtaka na mismong ang kanyang anak  na si Rep. Anna Victoria Veloso-Tuazon ang umapila na maimbestigahan ang mga nagaganap na patayan sa bayan ng San Isidro.

Pagbabahagi pa niya na sa nakalipas na dalawang taon, 57 kaso ng pagpatay na ang nangyari sa naturang bayan.

Puna pa nito ang Facebook post ni Mayor Veloso na tila pagmamalaki na hindi nasugatan ang kanyang driver.

Nabanggit din na si Emmanuel Veloso, kapatid ni Mayor Veloso, ay nagtatago dahil sa kasong pagpatay sa Levi Mabini, na municipal administrator ng San Isidro.

 

Read more...