CGMA sumama na rin sa mga nagsusulong ng Chacha

arroyo1
Inquirer file photo

Maging si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo ay naghain na ng panukalang batas na naglalayong mag-convene ang Senado at Kamara bilang Constitutional Convention o ConCon para amyendahan ang kasalukuyang Saligang Batas.

Inihain ni CGMA ang House Bill 486 o ConCon Bill, kaakibat ang Concurrent Resolution no. 1, kung saan co-author niya si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay.

Sa panukala ni Arroyo, hindi na kailangang ihalal ang mga delegado ng ConCon at sa halip ay pipili na lamang sa hanay ng Mataas at Mababang Kapulungan, gayundin sa pribadong sektor.

Ang Senate President at House Speaker ang pipili ng tig-labing dalawang delegado habang ang pangulo naman ay kailangang maglabas ng executive order o EO para sa pagtatalaga ng dalawampu’t apat na indibidwal na manggagaling sa iba’t ibang sektor at silang isasama sa ConCon.

Sa ilalim pa ng panukala, dapat matapos ang trabaho ng ConCon sa loob lamang ng isang daan at dalawampung araw para makapagsumite ng Revised Constitution sa Office of the President.

Ang plebesito naman ay itatakda ng pangulo sa loob ng animnapung araw matapos matanggap ang kopya mula sa ConCon.

Dagdag sa nakasaad sa panukala ni CGMA, P700 million ang inirerekomendang budget ng ConCon.

Read more...