POGO-related crimes bahid sa mukha ng Pilipinas – Poe
Napakahalaga, ayon kay Senate Grace Poe, na mapigilan na ang mga krimen na nauugnay sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs).
Katuwiran ni Poe, pambabastos na sa mga batas ng bansa ang nangyayari at magpapatuloy lang din ang pang-aabuso hindi lamang sa mga Filipino kundi sa mga banyagang biktima.
Sinabi ito ni Poe kasunod nang pagsalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa isang POGO hub sa Bamban, Tarlac kung saan halos 900 Filipino at banyaga ang nailigtas.
Pinaniniwalaan na ang mga nailigtas ay biktima ng human trafficking at ilan sa kanila ay dumadanas na rin ng pang-aabuso.
Ayon pa kay Poe ang insidente ay patunay na kumakalat na sa ibat-ibang bahagi ng bansa ang pambibiktima ng POGOs.
Dagdag pa niya na noon pang Setyembre ay isinusulong na sa Senado ang “total ban” sa POGOs bunga na rin ng mga krimen tulad ng human trafficking, prostitution, kidnapping for ransom, torture, online scam at fake IDs at passports.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.