Maaring idahilan ng pamunuan ng mga eskuwelahan ang matinding init sa pagsuspindi ng mga klase, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sinabi ni Education Asec. Francis Bringas may direktiba nang nailabas ang kagawaran hinggil dito at epektibo pa rin ito.
Paliwanag niya binigyan awtoridad na ang pamunuan ng eskuwelahan na magsuspindi ng klase kung masama o hindi na komportable para sa mga mag-aaral ang lagay ng panahon.
“Inaatasan natin or binibigyan natin ng authority ang ating mga school heads na mag-suspinde ng klase base sa kanilang maingat at wise discretion para masigurado na safe pa din ang ating mga mag-aaral pati na din ang ating mga guro,” dagdag pa ng opisyal.
Dagdag pa niya, ang pamunuan ng mga eskuwelahan ay naka-antabay sa mga anunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaugnay sa heat index sa lugar.
“Iyon ang nagiging basehan din nila sa kanilang desisyon kung sususpindihin or hindi yung ating mga face-to-face classes at mag-shift na lang sa alternative or blended learning delivery mode,” sabi pa ni Bringas.