Pumayag ang 17 Metro Manila mayors na pangasiwaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang traffic enforcers para makapag-isyu pa rin sila ng traffic violation ticket sa mga motorista.
Inanunsiyo ni acting MMDA Chairman Don Artes matapos ang pulong ng Metro Manila Council (MMC), na binubuo ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila.
Ipinatawag ang pulong para mapag-usapan ang desisyon ng Korte Suprema na nagsabing may hurisdiksyon ang MMDA sa pagpapatupad ng mg batas-trapiko at tanging sila lamang ang maaring magbigay ng traffic violation tickets.
Sinabi ni Artes na napagkasunduan na bigyan ng provisional authority ang local enforcers para hindi magkagulo sa mga lansangan.
Ayon sa opisyal may mga sumbong pa rin na kinukuwestiyon ng ilang motorista ang awtoridad ng local traffic enforcers na manghuli ng mga lumalabag na motorista.
Hindi pa naman aniya din “final and executory” ang desisyon ng Korte Suprema bagamat sinabi rin ni Artes na hindi na nila iaapila ang desisyon.