Nakakulong ngayon sa Kamara ang isang opisyal ng pamahalaang-bayan ng San Simon, Pampanga matapos ma-cite in contempt sa pagdinig ng Committee on Public Accounts.
Ipinag-utos ni ABANG LINGKOD Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na makulong sa House Detention Center si Sangguniang Bayan Secretary George Cariño dahil sa pagtanggi na sagutin ang mga tanong ng mga miyembro ng komite.
Nabigo din si Cariño na isumite ang mga kinakailangang dokumento kaugnay sa pagdinig.
Hiningi kay Cariño ang kopya ng sulat mula kay Mayor Abundio Punsalan Jr., na nagsasabing kailangan nang maipasa ang resolusyon para sa “reclassification” ng ilang lupang pang-agrikultural na maging “industrial and commercial lands.”
Ang tanging naibigay ni Cariño ay ang dokumento na nagsasabing na sinertipikahan ni Punsalan na “urgent” ang naturang resolusyon.
Itinanggi na ng suspendidong si Punsalan na mayroon siyang sulat na hinihingi sa SB na agad nang aprubahan ang resolusyon.
Sa puntong ito, nagmosyon na si Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta na ma-cite in contempt si Cariño.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng komite sa House Resolution 1503 na inihain ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes ukol sa “conversion and re-classification” ng mga lupang pang-agrikultura sa naturang bayan para diumano paboran ang private contractor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.