Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na inatasan niya ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na asikasuhin ang pagpapabalik ng mga labi ng dalawang Filipino seafarers na namatay sa pag-atake ng Houthi rebels sa Yemen.
“I join the nation in offering our deepest sympathies to the families of the two Filipino seafarers who perished in the Houthi attack on True Confidence. The government is in constant contact with their families, and we will spare no effort in bringing their remains home,” ani Marcos.
Aniya may 13 Filipino seafarers ang nakaligtas sa insidente at ang pagbabalik nila sa bansa ay inaasikaso na ng Embahada ng Pilipinas sa Cairo, Egypt.
Inatasan ng pangulo ang Department of Foreign Affairs (DFA), ang Department of Migrant Workers (DMW), ang Department of Health (DOH) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ibigay ang lahat ng tulong sa naulilang pamilya ng mga nasawing seafarers.
Magugunita na ang Barbados-flagged bulk carrier M/V True Confidence ay inatake ng Houthis rebels gamit ang missiles noong hapon ng Marso 6 sa Gulf of Aden.
May karga itong mga bakal at trucks mula sa China at patungo sa Jeddah, Saudi Arabia at Aqaba, Jordan nang mangyari ang pag-atake.