Review ng Rice Tarrification Law inihirit ni Hontiveros
Naghain ng resolusyon si Senator Risa Hontoveros para sa review ng pagpapatupad ng Republic Act 11203 o ang Rice Tariffication Law (RTL).
Sa kanyang resolusyon, sinabi ni Hontiveros na kinakailangan na magsagawa ng preliminary investigations sa pagbatid kung naging epektibo ang batas at nagkaroon ng pagbabago sa kita ng mga magsasaka base sa implementing rules and regulations (IRR) nito.
Dagdag pa ng senadora sa pamamagitan ng mga isasagawang imbestigasyon ay maaring mapagbuti pa ang pagpapatupad ng RTL hanggang sa susunod na taon.
Dahil sa batas sinasabing napaluwag ang pagnenegosyo ng bigas sa bansa, kasama na ang importasyon at eksportasyon.
Nabuo din sa batas ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na napaglalaanan dapat ng P10 billion sa anim na taon.
Ngunit nabanggit ni Hontiveros sa kanyang resolusyon na dahil sa rice smuggling, tinatayang P7.2 bilyon ang nawala noong nakaraang taon, bukod pa ang pagkalugi dahil naman sa “undervaluation and misclassification” ng mga inangkat na bigas.
Idinagdag pa niya ang resulta ng 2021 Financial Inclusion Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), kung saan nadiskubre na 14 % ng tinatayang 10 magsasaka at mangingisda sa Pilipinas ang nakarehistro sa Registry of Basic Sectors in Agriculture at pito naman sa bawat 10 magsasaka ang walang transaksyon sa mga bangko.
Jan.Radyo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.