2 Pinoy seamen patay, 3 sugatan sa pag-atake ng Houthi rebels sa Yemen
By: Jan Escosio
- 9 months ago
Patay ang dalawang Filipino seafarers at tatlong iba pa ang malubhang nasugatan sa pag-atake sa kanilang barko ng Houthi rebels sa Gulf of Aden sa Yemen.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) may 13 pang Filipinong tripulante ng bulk carrier M/V True Confidence ang dinala sa Djibouti ng Indian Navy.
Nagpadala na sa Djibouti ng kanilang mga tauhan ang Philippine Embassy sa Egypt para tulungan ang mga iniligtas na Filpino.
“The Philippine Government remains steadfast in the belief that through diplomacy and adherence to international law, the inter-related conflicts affecting the region at present will eventually be resolved,” pahayag ng DFA.
Pinaniniwalaan na ang pag-atake ay pakikipag-simpatiya pa rin ng Houthi rebels sa mga napatay sa Gaza ng mga tauhan ng gobyerno ng Israel.
Una nang napinsala ang M/V MSC Sky II dahil din sa missile attack ng Houthis rebels.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa manning agency ng mga biktimang Filipino, gayundin sa kompaniya ng sinasakyan nilang barko para makabalik na ng Pilipinas ang mga nakaligtas.