Hiniling ni Senator Nancy Binay na maimbestigahan sa Senado ang mga kaso ng pagkamatay ng mga sumasailalim sa glutathione IV drip.
Nakasaad sa inihain niyang Resolution No. 952, na noon lamang nakaraang Enero, iniulat ng Department of Health (DOH) na may babae sa Quezon City ang sumakabilang-buhay matapos sumailalim sa unauthorized glutathione at stem cell infusion.
Bukod pa dito may nauna nang babae na inatake sa puso matapos din ang kanyang glutathione treatment sa isang spa sa Sampaloc, Maynila noong 2020.
Binanggit din ni Binay na may anunsiyo na si Health Sec. Ted Herbosa na hindi ligtas gamitin ang IV drip para sa pagpapaputi ng balat.
May katulad na babala na rin ang Food and Drug Administration (FDA).
Pinuna din ng senadora ang pagsulputan ng mga health and wellness salon, wellness spa at beauty clinics na nag-aalok ng “injectable glutathione” para sa mga nais pumuti ang balat.
Ito aniya ay lubhang nakakaalarma dahil na rin sa babala ng DOH at FDA.