Natukoy na ng tatlong komite sa Kamara ang mga isyu hinggil sa pagpapatupad ng mga batas at polisiya ukol sa pagbibigay ng mga diskuwento, insentibo at tax exemptions sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
Ito ang ibinahagi nina Committee on Ways and Means Chairman Albay Rep. Joey Salceda, Committee on Senior Citizens Chairman Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes at Special Committee on Persons with Disabilities Chairman Agusan del Sur Rep. Alfelito Bascug.
Inanunsiyo ng tatlo ang pag-apruba sa committee report hinggil sa pagsasagawa ng motu propio inquiry hinggil sa naturang isyu.
Natukoy sa committee report ang kakulangan ng kaalaman ukol sa mga diskuwento at pribilehiyo, ang paggamit ng teknolohiya sa online transactions para sa pagbibigay ng diskuwento, magkakaibang pagpapatupad, mababang discount rates sa mga pangunahing pangangailangan at ang requirements sa purchase booklet na nagiging sagabal pa para sa senior citizens at PWDs na makakuha ng diskuwento.
Nabanggt din sa ulat ang nagkalat na fake IDs, kapos na kaalaman sa mga batas ukol sa diskuwento, standardization sa mga alok na diskuwento at disability status documentation kayat hindi ganap na nakakasunod ang mga negosyo.
Nakadagdag din ang kakulangan ng tamang pagsasanay para matugunan ang mga reklamo sa bahagi ng mga kinauukulang ahensiya, partikular na ang Office of Senior Citizens Affairs (OSCA).