Paggamit ng China ng water cannon sa WPS resupply mission inalmahan
Ipinatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) Chinese deputy ambassador bunga ng paggamit ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia ng water cannon sa resupply mission sa Ayungin Shoal kaninang umaga.
Sa pulong, ibinigay ni Foreign Affairs Deputy Asec. Raphael Hermoso kay China Deputy Chief of Mission Zhou Zhiyong ang sulat kung saan hiniling na lisanin na agad ng Chinese vessels ang paligid ng Ayungin Shoal.
Ipinagdiinan na ang Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Base sa mga ulat, apat na tauhan ng Philippine Navy (PN) ang nasaktan sa panibagong insidente ng pambu-bully ng China sa inaangkin na bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Sakay ang apat na Navy personnel ng resupply boat Unaizah May 4 nang mabasag ang windshield ng sasakyang-pandagat dahil sa paggamit ng water cannon ng China Coast Guard.
Napilitan ang resupply boat na bumalik na lamang ng Palawan, gayundin ang BRP Sindangan ng PCG matapos makabanggaan ang isang Chinese Coast Guard vessel.
Nakalusot naman ang resupply boat Unaizah May 1 at ang BRP Cabra para maihatid ang suplay ng BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal.
Ito ang unang pagkakataon na may nasaktan na Philippine personnel dahil sa pagharang ng Chinese vessels sa resupply missions sa BRP Sierra Madre.
Iprinotesta din ng National Task Force on West Philippine Sea ang naturang insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.