4th Star ni Marquez, ibibigay agad?

marquezInaasahang makakamit agad ni Police Director Ricardo Marquez ang ika-apat na estrelya nito o katumbas ng ranggong Police Director General.

Ito ang sinabi ni PNP-PIO Acting Director Chief Supt. Wilben Mayor sa Radyo Inquirer dahil aniya nakasaad sa batas na ang PNP Chief ay dapat may ranggong Director General o four-star general.

Idinagdag pa ni Mayor na may kapangyarihan naman si Pangulong Aquino bilang kanilang Commander-in-Chief na mag-promote sa hanay ng mga pulis.

Aminado naman si Mayor na first time para sa kanila o kakaiba ngayon ang sitwasyon ni Marquez sa katuwiran na kinapos na ng panahon para dumaan pa ito sa normal na proseso ng promosyon dahil na rin kahapon lang inanunsiyo ang pagkakapili sa kanya bilang bagong PNP Chief.

Ayon pa kay Mayor, sa normal na proseso ang kanilang Special Officers’ Promotion and Placement Board ang nagrerekomenda sa DILG Secretary, bilang Chairman ng National Police Commission o NAPOLCOM kung sino ang itatalagang opisyal sa isang puwesto.

At kapag naaprubahan ng NAPOLCOM board ang rekomendasyon, ito naman ay isusumite sa Pangulo ng bansa para aprubahan.

Araw ng Huwebes, ika-16 ng Hulyo, ipapasa kay Marquez ang pamumuno sa pambansang pulisya mula kay Police Deputy Director General Leonardo Espina, na umakto namang Officer-in-Charge ng pitong taon, matapos suspindihin ng Ombudsman si dating PNP Chief Director General Alan Purisima./ Jan Escosio

Read more...