Quiboloy hindi sumipot sa Senado, na-cite in contempt na

Tinanggap ni Sen. Risa Hontiveros ang pagtutol ni Sen. Robin Padilla sa kanyang desisyon na ipa-contempt si Pastor Apollo Quiboloy.(SENATE PRIB PHOTO)

Dahil hindi muling sumipot sa kabila ng subpoena, na-cite in contempt na ni Senator Risa Hontiveros si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.

Katuwiran ni Hontiveros sa kanyang desisyon, maituturing na hindi pagkilala sa kapangyarihan ng Senado ang ginagawa ni Quiboloy, na dalawang beses nang naunang inimbitahan sa pagdinig bago siya pinadalhan ng subpoena.

Ngunit bago ito, ibinahagi ni Hontiveros na may liham si Quiboloy, kung saan binanggit niya na ito ay paglabag sa kanyang mga karapatan at paggiit lamang ng kanyang karapatan laban sa self-incrimination.

Agad din ipinag-utos ni Hontiveros sa committee secretariat ang pakikipag-ugnayan sa opisina ni Senate President Juan Miguel Zubiri para sa pagpapalabas na ng warrant of arrest laban kay Quiboloy.

Sa tagpong ito, dumating si Sen. Robinhood Padilla at ipinaalam kay Hontiveros na tutol siya sa desisyon ng huli.

Matapos ang ilang minutong pag-uusap ay kinilala ni Hontiveros ang pagkontra ni Padilla at aniya may pitong araw ito para mangalap pa ng pitong senador na susuportahan ang kanyang oposisyon.

Samantala, sa labas ng Senate Building ay nagtipon-tipon ang mga tagasuporta ni Quiboloy at hinihiling nila ang pagpapatigil sa pagdinig at pagbitiw sa puwesto ni Hontiveros.

Read more...