Makati City Park bantay-sarado sa mga pulis sa utos ni Abalos
Pinatitiyak ni Interior Secretary Benhur Abalos sa pambansang-pulisya na mapapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa Makati Park and Garden bunsod ng tensyon sa pagitan ng mga pamahalaang-lungsod ng Makati at Taguig.
Sinabi ni Abalos na inatasan niya sina National Capital Region Police Office (NCRPO) director, PMGen Jose Melencio Nartatez at Southern Police District (SPD) director, PBGen Mark Danglait Pespes na tiyakin na walang sisiklab na kaguluhan sa naturang parke.
Aniya isang pulutong ng mga pulis ang itinalaga para bantayan ang naturang parke.
“I’m hopeful that the Taguig and Makati incident regarding the park would be settled. I hope to engage in discussions with the mayors to clarify the issues and further shed light on their respective positions on the matter,” ani Abalos.
Dagdag pa niya: “I believe both mayors have good intentions, with the best interest of their constituencies in mind. In any case, regardless of this dispute, our overriding goal is that public services shall remain unhampered.”
Samantala, sinabi ni Makati City legal officer Don Camiña na pag-aari ng lungsod ng Makati ang naturang parke base sa isang proklamasyon ng pangulo ng bansa at aniya epektibo ito hanggang sa kasalukuyan.
Sinabi pa niya na hindi kailangan magbayad ng anumang buwis para sa pasilidad na pag-aari ng lokal na pamahalaan.
Isinara ang parke kahapon na naging mitsa ng matinding tensyon sa pagitan ng mga kawani ng dalawang lokal na pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.