Nais ni Senator Imee Marcos na maimbestigahan sa Senado ang pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng 75,000 sako ng bigas sa dalawang negosyante.
Ginawa ang pagbebenta ng P93.75 milyong halaga ng bigas sa kabila ng mga panawagan ng mga konsyumer para sa mababang halaga ng pangunahing butil sa Pilipinas, sabi pa ni Marcos.
Inaasahan na ngayon araw ay maghahain ng resolusyon ang senadora para maimbestigahan ng kinauukulang komite ng Senado ang naging hakbang nga NFA.
Pinuna din nito ang pagbili ng NFA ng bigas sa India sa kabila na ipinagbabawal na sa kanila ang makipag-negosasyon para sa imported rice.
Aniya itinatag noong 1972 ng kanyang ama, si dating Pangulong Marcos, ang NFA para bumili ng mga palay sa mga magsasaka upang bumaba ang presyo ng bigas at tiyakin na may sapat na nakaimbak na bigas.
Ngunit, diin ni Marcos, palpak na ang NFA sa pagtupad sa kanilang mga mandato lalo na sa usapin ng pagtulong sa mga magsasakang Filipino.
Kailangan aniya na pag-aralan na ang mandato ng NFA para makatugon ang bansa sa pandaigdigang kakulangan sa bigas.