Win nakukulangan sa decongestion program sa public schools

(INQUIRER FILE PHOTO)

Hindi kumibinsido si Senator Sherwin Gatchalian na lubos na naipapatupad ang programa para mabawasan  ang pagsisiksikan ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan.

Bunga ito ng kulang na ulat ng Commission on Audit (COA) ukol sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) .

Base sa Performance Audit Report 2018, lumabas na maging ang  Department of Education (DepEd) ay limtado ang datos ukol sa GASTPE at napuna din ang kawalan ng malinaw na pamantayan sa pagpapatupad ng programa.

Sinabi ni Gatchalian na dapat ang programa ay lubos na naikakasa sa mga lugar kung saan matindi ang pagsisiksikan ng mga estudyante sa mga public schools.

Napuna din ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education ang kawalan ng malinaw na polisiya kung san dapat ikinakasa ng husto ang  Educational Service Contracting (ESC) maging ang voucher program.

Ang ESC ay nasa ilalim ng GASTPE at ito ang pagbabayad ng gobyerno sa mga matrikula ng mga estudyante mula sa public schools na kinakailangan lumipat sa private schools para maiwasan ang pagsisiksikan ng mga estudyante.

Sa Metro Manila may pinakamatinding kaso ng pagsisiksikan sa junior high schools sa 72 porsiyento, kasunod sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) sa 71%, at Northern Mindanao sa 50%.

Samantala, sa Calabarzon naman ang pinakamataas na tinatawag na “aisle learners” o mga mag-aaral na hindi na nakakapag-klase sa mga silid-paaralan, sa bilang na 319,000, Metro Manila sa 265,894 at Central Visayas na may 118,443.

Read more...