Transport coalitions, TODAs umapila kay PBBM at Speaker Martin Romualdez

FILE PHOTO

Nagkaisa ang  ibat-ibang koalisyon ng transport groups at tricycle operators and drivers associations (TODA) sa pag-apila kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at House Speaker Martin Romualdez na huwag munang hayaan ang karagdagang motorcycle taxis.

Kasabay nito ang  panawagan ng National Public Transport Coalition, National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Phils. at iba pang grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huwag munang tumanggap ng aplikasyon para sa motorcycle taxis.

Binubuo ang mga grupo ng mga operator at driver ng tricycle, jeepney, UV Express, taxi at maging pedicab.

Katuwiran nila lubha ng apektado ang kanilang kabuhayan dahil sa pagsulpot ng motorcycle taxis.

Anila hindi pa kasama sa isyu ang mga colorum na habal-habal na nakaka-agaw pa ng kanilang mga pasahero na tila hindi mapigilan ng mga kinauukulang ahensiya ang operasyon.

Sinabi ni  Ariel Lim, pangulo ng NACTODAP, tapusin muna dapat ang pilot study sa mga motorcycle taxi lalo pa at ito ay nasa Kongreso na.

Panawagan lang din nila na pag-aralan ang mga lalabas na datos sa pilot study at isama sa pag-uusap ang mga apektado sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Puna lang din nila, higit limang taon na ang lumipas nang simulan ang pag-aaral ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito natatapos at wala pang nagawang batas para sa operasyon ng motorcycle taxis.

 

Read more...