Tinanggalan ng lisensiya ng Korte Suprema ang isang abogado sa Bureau of Customs (BOC) dahil sa panloloko sa isang kaibigan gamit ang kanyang posisyon.
Nabatid na 24 taon na ang nakakalipas na ialok ni Jorge Monroy sa kanyang kaibigan na si Julieta Co ang isang Toyota Land Cruiser sa halagang P1.4 milyon.
Ang sports utility vehicle (SUV), ayon kay Monroy, ay kinumpiska ng kawanihan at aniya bilang Director III sa BOC – Financial Services, awtorisado siya na magbenta ng mga kumpiskadong sasakyan.
Nagbigay ng paunang P150,000 si Co at kinabukasan ay binayaran na niya ang balanse na P1.250 milyon at dito na nagsimula ang pagbibigay sa kanya ng mga dahilan ni Monroy.
Makalipas ang ilang araw, pinagsabihan ni Monroy si Co na hindi na mailalabas ang sasakyan dahil may tumangay ng kanyang pera at isosoli na lamang niya ito.
Ngunit nabigo si Monroy na isoli ang pera kayat inireklamo na siya ng kaibigan at hiniling na matanggalan ng lisensiya sa pagiging abogado.
Sa pahayag ng Korte Suprema, sinabi na inalisan ng lisensiya si Monroy dahil sa paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) at pinagmumulta din siya ng P20,000.
Nabatid na hindi din nagbigay ng kanyang paliwanag si Monroy sa Integrated Bar of the Philippines – Committee on Bar Discipline ukol sa reklamo sa kanya at nabigo din siya na dumalo sa conferences kaugnay sa disbarment case na inihain laban sa kanya.