Ibinahagi ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na naidulog niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang isyu ukol sa pagtaas ng limang porsiyento sa kontribusyon sa Philhealth.
Ayon kay Ejerito nagkaroon ng pagkakataon na maka-usap niya ang Punong Ehekutibo ukol sa suspensiyon ng umento sa kontribusyon sa katuwiran na may isinusulong na pag-amyenda sa Universal Health Care Law.
Dagdag pa ng senador, nabanggit niya kay Marcos na ang dagdag sa kontribusyon ay base sa mga datos bago ang pagtama ng Covid 19 pandemic kung kailan ay lubhang iba ang sitwasyon.
Nakiusap aniya siya kay Marcos na suspindihin muna ang premium rate hike habang hinihintay ang magiging pag-amyenda sa UHC Law, kung saan nakapaloob ang pagtaas ng kontribusyon sa Philhealth.
Ito naman sabi pa ni Ejercito ay para magpatuloy ang pagkakataon na makabangon o makabawi ang maraming Filipino sa naging epekto ng pandemya.
Sabi pa nito na kahit suspindihin ang umento ay magtuloy-tuloy naman ang pagtaas ng health at medical packages ng Philhealth.
Umaasa naman si Ejercito na magkakasundo ang Senado at Kamara sa panukalang pag-amyenda sa UHC Law.