Listahan ng mga kalye sa MM na bawal ang e-scooters at e-trikes inilabas

INQUIRER PHOTO

Ipagbabawal na sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila ang mga e-scooters at e-trikes sa dahil sa mga paglabag sa batas-trapiko at kinasasangkutan na mga aksidente.

Naglabas na ng resolusyon ang Metro Manila Council, na binubuo ng lahat ng 17 alkalde, ukol dito sabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora.

Katuwiran ni Zamora marami ng kumakalat na mga larawan at videos ng mga paglabag sa mga batas-trapiko ng mga gumagamit ng e-scooters at e-trikes.

Sinabi naman ni Metropolitan Manila Develoment Authority (MMDA) acting Chairman Don Artes may mga lokal na pamahalaan nang nagpalabas ng ordinansa para sa e-bikes at e-trikes ngunit marami ay walang nakasaad na multa sa mga lalabag.

Paunang 19 na pangunahing lansangan sa Metro Manila ang tinukoy ng MMC at MMDA na bawal ang e-scooters at e-bikes.

Ito ang mga sumusunod:

*Recto Avenue

*Quirino Avenue

*Araneta Avenue

*Epifanio delos Santos Avenue (EDSA)

*Katipunan/CP Garcia

*Southeast Metro Manila Expressway,

*Roxas Boulevard

*Taft Avenue

*South Luzon Expressway

*Shaw Boulevard

*Ortigas Avenue

*Magsaysay Boulevard/Aurora Boulevard

*Quezon Avenue/Commonwealth Avenue

*A. Bonifacio Avenue

*Rizal Avenue

*Delpan/Marcos Highway/McArthur Highway

*Elliptical Road

*Mindanao Avenue at

*Marcos Highway.

Ayon pa kay Zamora maaring madagdagan ang bilang dahil binigyang kapangyarihan ang lokal na opisyal na kilalanin pa ang mga kalsada sa kanilang hurisdiksyon kung saan ipagbabawal ang e-scooters at e-trikes.

Sinabi naman ni Artes na P2,500 ang multa sa mga lalabag.

 

 

 

 

Read more...