“Ipagbawal ang ‘tinted’, now na!” sa ‘Wag Kang Pikon ni Jake Maderazo

edsa trafficMARAMI ang nagmamarunong sa solusyon sa trapiko.

Ano bang nangyari sa nakalipas na 30 taon? Hindi ba’t lalo lang lumala?

Ang dahilan, walang disiplina ang mga motorista, tamad ang mga law enforcers at talagang kulang tayo sa kalye bukod pa sa sobrang dami ng sasakyan.

Kung talagang gusto nating maging parehas ang laban sa mga masisikip na lansangan, kailangang makatikim ng tunay na pagbabago ang mga motorista, traffic enforcers, at maging ang commuting public.

Una, para sa akin ay higpitan ang pagbabawal sa mga “tinted glasses” ng lahat ng sasakyan, pribado man o pampubliko.

Kapag nakikita natin ang mga katabi nating mga driver at pasahero nito, malalaman natin kung lasing ito, lulong sa droga o kaya ay mga mukhang drug dealer, holdaper o karnaper na naghahanap ng mabibiktima.

Makikita rin natin kung menor de edad ang nagmamaneho o kaya’y iligal na gumagamit ng government vehicle.

At kung gusto nating disiplinahin ang mga motorista, makikita agad kung overloaded ang mga sasakyan o kaya’y isa o dalawa lamang ang pasahero.

Sa Amerika, kapag isa o dalawa lamang kayo, doon kayo padadaanin sa matraffic na bahagi ng kanilang superhighway. Kung marami naman o naka-van pool at dadaan kayo sa “fast lane.” Nakikita rin kasi agad ng mga pulis ang mga sakay ng bawat behikulo kayat hindi problema ang traffic segregation.

Sa California at New York, 70 porsiyento ang liwanag na dapat makita sa lahat ng front at back windshields ng kotse. Dito sa atin, talagang padi-liman ng mga salamin ng kotse. Hindi mo tuloy malaman kung masasamang loob ba ang katabi o sinusundan mong kotse.

Noong panahon ni Senador Lacson sa Presidential Anti Crime Commission o PACC, ipinagbawal ang tinted glasses sa mga kotse, pero nang mawala siya sa pwesto, wala ring nangyari.

Marahil ito na ang tamang panahon para ibalik ito lalo ngayong determinado si Pangulong Duterte na sugpuin ang droga, krimen at korupsyon.

Kailangang maging hubad sa katotohanan ang lahat ng mga sasakyan sa lansangan upang hindi makapagtago sa madidilim na mga kotse ang mga masasamang loob.

Bukod dito, tayo mismo ang magmamatyag, katulong ng mga otoridad. Hindi ba’t lahat ta-yong may cellphone ay pwede nang maging reporter o cameraman?

Sa isang banda, sino ang kokontra kung ipagbawal ang mga “tinted glasses”, bukod sa mga gumagawa o nagtitinda nito? Ang tiyak na kokontra ay yung gumagawa ng masama sa loob ng mga tinted na mga sasakyan? Hindi papalag ang mga simpleng mamamayan.

Sino ba ang mas magiging palagay ang loob kapag nawala na ang tinted glasses sa kotse at lahat tayo nakikita ang bawat isa? At kapag open ang mga behikulo sa lansangan, mas madadali ang “law enforcement.

Paano ba gagawin ito? Isang Executive order lamang ni Digong o kaya’y Memorandum Circular mula sa LTFRB sa mga pampublikong sasakyan at LTO para sa mga private, larga na.

Change is coming. Dapat daw magsakripisyo tayo. Sige, Mr. Pre-sident Duterte at DOTC Sec. Art Tugade, ipagbawal niyo ang mga tin-ted na sasakyan, now na!

Read more...