Medical marijuana use bill ilalatag na sa plenaryo ng Senado

FILE PHOTO

Dahil may sapat ng bilang ng kinakailangang pirma para sa final committee report, hihihintay na lamang na matalakay sa plenaryo ng Senado ang medical marijuana use bill.

Nabatid na 13 senador na ang pumirma sa final committee report ng Committee on Health ukol sa Senate Bill 2537 o ang Cannabis Medicalization Act, na iniakda at isinusulong ni Sen. Robinhood Padilla.

Nakasaad sa panukalang-batas ang paggamit sa medical marijuana para sa mga pasyente na nakakaranas ng labis-labis na sakit o panghihina.

Kabilang sa sinasabing “medicalization” ang pagpayag sa mga pribadong indibiduwal o kompaniya na bumili, mag-ingat hanggang sa pagtatanim at paggamit ng cannabis bilang gamot o kung gagamitin sa pagsasaliksik.

Nasa panukala ang mga limitasyon o paghihigpit sa pagtatanim, paggamit at pagbebenta ng “medical marijuana.”

Dapat ay may permiso mula sa mga kinauukulang ahensiya ang papayagan na magtanim, magbenta at magsasagawa ng pagsasaliksik.

Samantala, ang mga papayagan naman na gumamit nito ay kailangan rehistrado sa itatatag na Philippine Medical Cannabis Authority, na nasa ilalim naman ng Department of Health (DOH).

Read more...