Pinuna ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kakulangan ng mga pasilidad pangkalusugan at health professionals sa mga lugar sa bansa na dinadayo ng mga turista.
Sa inihain niyang Senate Resolution No. 937, binanggit ni Zubiri na maging sa mga sikat na tourist spots gaya ng Boracay, Palawan at Siargao ay kapos ang medical facilities at medical personnel para sana sa kalusugan at kaligtasan hindi lamang ng mga turista maging ng mga manggagawa at lokal na residente.
Binanggit ni Zubiri sa resolusyon ang pagkamatay ng isang 25-anyos na turista dahil hindi agad nagamot nang makatapak ng sea urchin.
Aniya ang ganitong pangyayari ang nagiging dahilan ng mga turista na magdalawang-isip na bumisita sa bansa.
Ayon kay Zubiri sa pagsusulong sa industriya ng turismo dapat ay may kasabay ng pagpapalawig ng pagbibigay ng de-kalidad na serbisyong medikal.