Ibinunyag ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na may mga pulitiko na niloloko ang kanilang mamamayan sa pamamagitan ng mga programa ng gobyerno, tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa kanyang privilege speech, tinawag itong “ayuda scams” ni Ejercito.
Sinabi ng senador na sa halip na mapunta sa mga benepisaryo, ginagamit ito sa pansariling interes ng ilang pulitiko at ang kanilang mga kaalyado ang nakikinabang sa halip na ang mga nangangailangan nilang kababayan.
Aniya ang mga programa ay dapat na pansamantala lamang at ang dapat pagtuunan ng pansin ang ang pagkakaroon ng pangmatagalan na ikabubuhay ng mga benipesaryo.
At sa pambihirang pagkakataon, ay nagkaroon ng interpelasyon sina Ejercito at ang nakakatandang kapatid na si Sen. Jinggoy Estrada.
Hiniling ni Estrada na dapat ay ipatawag ang lahat ng mga konsehal at punong barangay sa San Juan City para bigyang-linaw ang mga sinasabing iregularidad sa pamamahagi ng mga tulong pinansiyal.
Pinayuhan naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III si Ejercito na mangalap ng mga konkretong ebidensiya para makapagsimula ng pagdinig sa Senado ukol sa sinasabing anomalya.
Ani Pimentel sa isasagawang pagdinig ay malalaman kung may pangangailangan na baguhin ang mga mekanismo ng ilang social protection programs.