Nasentensiyahan na ang pulis na itinuturong nakapatay sa 17-anyos na si Jemboy Salazar sa Navotas City noong nakaraang taon.
Ngunit ang iginawad sa sentensiya kay PSSg Gerry Maliban ay hindi sa kasong murder kundi sa homicide lamang.
Sa 44-pahinang desisyon ni Regional Trial Court (RTC) Pedro Abu Jr., ginawaran ng apat na taon hanggang anim na taon na pagkakakulong si Maliban.
Inatasan din siya na bayaran ang mga naulila ng binatilyo na P100,000 bilang danyos.
Nasentensiyahan naman ng apat na buwan na pagkakakulong dahil sa illegal discharge of firearms ang mga kapwa pulis ni Malibana na sina PEMS Roberto Balais Jr., PSSg Nikko Pines Esquillon, PCpl Edward Jade Blanco, at Pat. Benedict Mangada.
Napawalang sala naman si PSSg Antonio B. Bugayong Jr., dahil sa kabiguan ng testigo na kilalanin siya na may kinalaman sa pagkakabaril kay Salazar noong Agosto 2, 2023 habang naglilinis ng bangka kasama ang isang kaibigan.
Naituro si Salazar sa mga pulis na may hinahabol na suspek sa pagnanakaw.