Mga botika hinikayat ni Win na ipatupad ang VAT-free sa ilang gamot

Nanawagan si Senator Win Gatchalian sa mga botika na ipatupad na sa pinakamadaling panahon ang value-added tax (VAT) exemption ng ilang gamot.

Aniya 22 gamot para sa diabetes, hypertension, cancer, high cholesterol, mental illnesses, tuberculosis, and kidney diseases, maging sa Covid 19 ang napabilang sa higit 2,000 gamot na hindi na pinapatawan ng VAT.

“Given the high prices of basic commodities, it is important that affordable medicines are made available to those who have existing medical conditions. Dapat itong maipatupad sa lalong madaling panahon para sa kapakinabangan ng ating mga mamamayan, lalo na ang mga may sakit,”  ani Gatchalian.

Kasunod ang panawagan ni Gatchalian sa pagpapalabas ng  Bureau of Internal Revenue (BIR) ng Revenue Memorandum Circular No. 17, series of 2024, na naglalaman ng mga karagdagang gamot na sakop ng VAT exemption dahil sa  Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act, gayundin sa  Republic Act No. 11534, o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

Pinaalahanan din ni Gatchalian ang mga konsyumer na tiyakin na babayaran na nila ang discounted price.

“Kailangang maging alerto ang publiko sa presyo ng mga gamot na kanilang binibili. Dapat makita ang VAT exemption sa resibo ng biniling gamot,” bilin pa ng senador.

Read more...