Inaasahan na pipirmahan na ngayon araw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang panukalang-batas na magbibigay ng cash gifts sa senior citizens.
Sa House Bill No. 7535 na iniakda ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes, tatanggap ng P10,000 ang mga aabot sa edad 80, 85, 90 at 95.
Layon ng panukala na maamyendahan ang RA 10868 o ang “Centenarians Act of 2016” para sa pagbibigay ng karagdagang benepisyo at pagkilala sa mga octogenarians o ang mga nasa edad 80 hanggang 89 at nonagenarians o ang mga nasa edad 90 hanggang 99 sa bansa.
Inihain ni Ordanes ang Committee Report 419 matapos ang mga pagdinig ng pinamumunuan niyang House Special Committee on Senior Citizens hinggil sa panukala.
Noon lamang din nakaraang Disyembre naaprubahan ang panukalang batas ng Bicameral Conference Committee ng Senado at Kamara.
“Una ay labis tayong nagpapasalamat kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., kay House Speaker Martin Romualdez at sa mga kapwa mambabatas sa Kanara. Ito ay pagpapakita ng tunay na malasakit at pang-unawa ng ating gobyerno sa ating mga minamahal na senior citizens,” ani Ordanes.
Nakasaad sa panukala na ang National Commission of Senior Citizens, katuwang ang Departments of Social Welfare and Development, Department of Health, Department of the Interior and Local Government at Philippine Statistics Authority ang babalangkas ng implementing rules and regulations kapag napirmahan na ng Punong Ehekutibo ang panukala.
Dagdag pa ni Ordanes bukod sa cash gift tatatanggap din ng letter of felicitation mula sa pangulo ng bansa ang mga benepisaryo.
“Anumang halaga na maibibigay natin sa ating senior citizens ay malaking tulong na para sa kanilang mga pangangailangan, lalo na sa mga gamot at pagkain,” dagdag pa ng mambabatas.
Umaasa na lamang din si Ordanes na maipapatupad na ang batas ngayon taon at ang kakailanganin na P2 bilyon ay hugutin na lamang sa unprogrammed funds sa national budget,.