Sen. Bong Revilla excited na sa pag-apruba ni PBBM sa “Revilla Law”
Labis na ikinatuwa at pinasalamatan na ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., si Pangulong Ferdinan “Bongbong” Marcos Jr. sa inaasahang pagpirma sa “Revilla Law” sa Lunes.
Paliwanag ni Revilla sa kanyang panukala, ito ay magbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga na sa edad 80 hanggang 99.
Sa ngayon, tanging ang mga nakakatuntong sa edad 100 ang nabibigyan ng “cash gift.”
“Taos-puso ko pong pinapupurihan at pinasasalamatan ang ating Pangulong Bongbong Marcos sa pagsasabatas ng ating pangunahing panukala upang amyendahan ang Centenarians Law. Ang matagal na nating ipinapaglaban para sa ating mga lolo at lola ay tuluyan na nating napagtagumpayan!,” ani Revilla.
Aniya ang panukala ay naipangako niya sa sambayanan kayat nalulugod siya na nagkaroon ito ng katuparan.
Ayon kay Revilla ninais niya na maaga na mabigyan ng karagdagang benepisyo ang mga lolo at lola.
“Sabi nga, aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo. Kaya hangga’t sila ay nabubuhay pa, iparamdam na natin sa kanila ang pagpapahalaga at pagmamahal ng gobyernong ito. At yan ay sa pamamagitan ng maagang pagbibigay ng inaasam-asam nilang pinansyal na regalo. Malaking bagay iyon para sa kanila lalo na’t may mga pangangailangan din sila at gastos para sa gamot, vitamins, supplement, pagkain at iba pa,” dagdag pa ng senador.
Ang mga aabot sa edad 85, 90 at 95 ay bibigyan ng tig-P10,000 at patuloy naman ang pagbibigay ng P100,000 sa mga makakaselebra ng kanilang sentenaryong kaarawan.
Sabi pa ni Revilla nakasaad sa panukalang-batas ang pagsisimula ng Elderly Data Management System na pangangasiwaan ng National Commission on Senior Citizens (NCSC).
Kaugnay nito, inihain rin niya ang Senate Bill 262 o ang “Abot-Kayang Gamot, Bitamina at Gatas para sa Malusog na Senior Citizen Act” na layong palawigin ang sakop ng diskuwento para sa mga senior citizens para maisama na ang mga supplements, bitamina, herbal products, at formulated milk.
Bukod dito, inihain rin niya ang SBN 1573 na naglalayong ibaba ang edad na saklaw sa “Expanded Senior Citizens Act” sa pamamagitan ng pagbababa mula 60 patungo sa 56 taong gulang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.