Sen. Nancy Binay sa Gluta IV Drip ni Mariel Padilla sa Senado: Nakakabahala kasi unsafe at banned!
Nakakabahala, ayon kay Senator Nancy Binay, ang ginawa ni Mariel Padilla na Glutathione IV Drip sa loob ng opisina ng mister nitong si Senator Robinhood Padilla sa Senate Building.
Ani Binay bukod sa isinagawa ito sa loob ng gusali ng Senado, hindi din ito ipinaalam sa Senate Medical Clinic.
Dagdag pa niya, ang nakapag-komplikado pa sa isyu ay idineklara ng “unsafe” ng Department of Health (DOH) ang Gluta Drip IV, bukod sa “banned” ito sa Food and Drugs Administration (FDA) at isinagawa ito hindi sa isang klinika at may superbisyon ng isang licensed health professional.
“As a public figures, sana aware din tayo sa responsibilidad natin sa publiko. We might be promoting something na ipinagbabawal at ilegal at akala ng mga tao eh okay lang,” sabi pa ni Binay.
Dagdag pa niya: “Isipin din natin may kasamang pananagutan ang pagiging artista, lalo na kung senador ang asawa mo.”
Sinabi din ni Binay na hindi siya nakakatiyak kung may hurisdiksyon ang Senate Committee on Ethics sa maybahay ni Padilla dahil hindi naman miyembro ng Senado ang ginang.
“But we also need to closely look into it because it involves integrity and reputation of the institution, and matters that concern health and safety,” aniya.
Magugunita na nag-post sa kanyang personal social media account si Ginang Padilla habang sumasailalim sa Gluta IV Drip at naging background pa niya ang kanyang mister.
Matapos ulanin ng mga puna, inalis na ang naturang larawan sa social media.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.