75 LGUs tatanggap ng P13.33M para sa suplay ng malinis na tubig
Inanunsiyo ni Interior Secretary Benhur Abalos na 75 lokal na pamahalaan sa bansa ang mabibiyayaan ng tig-P13.33 milyon para sa pagsasa-ayos ng linya ng suplay ng tubig at sanitasyon.
Ayon kay Abalos ang pondo ay magmumula sa Support and Assistance Fund to Participatory Budgeting (SAFPB) Program, alinsunod sa Republic Act 11975 o ang General Appropriations Act (GAA) of 2024.
Paalala na lamang ni Abalos sa mga lokal na opisyal na ang pondo ay dapat gamitin lamang sa pagpapabuti ng kanilang water and sanitation facilities.
“Pag binigay namin sa inyo ang benepisyo, may kasama itong mga responsibilidad. Even if you mean well, gamitin natin ng tama ang pribilehiyo na naipagkaloob sa inyo,” ayon sa kalihim.
Dagdag pa ni Abalos sakop ng programa ang pagpapatayo, pagpapalaki at rehabilitasyon ng Level III water supply systems, pampublikong palikuran at hygiene facilities sa mga pampublikong lugar.
Alinsunod na rin aniya ito sa utos ni Pangulong Marcos Jr., na palawigin pa ang pagkakaroon ng maayos at suplay ng malinis na tubig.
“We shall comply with this directive of the President. Lalo na ngayon na may El Niño, we must not just govern but also foster a culture of genuine engagement so that workable solutions could flow from there,” punto na lang din ni Abalos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.