PAGCOR nasita ni Tulfo sa halos 800 online sabong games
Muling nasita ni Senator Erwin Tulfo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) dahil sa kabiguan na mapahinto ang operasyon ng 789 online sabong games sa bansa.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Games, hiningian ng paliwanag ni Tulfo si PAGCOR Chairman Alejandro Tengco ukol sa pamamayagpag ng online sabong games sa kabila na dalawang taon nang ipinahinto ang mga ito ng noon ay Pangulong Duterte.
Mistulang nasumbatan pa ng senador si Tengco ukol sa kanilang intelligence funds.
Sinabi naman ni Tengco na naiulat na nila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) maging sa pambansang-pulisya ang naturang e-sabong sites.
Nabanggit pa niya na halos 2,000 online sites na ang naipasara.
“So hanggang report na lang kayo?” balik ni Tulfo kay Tengco na agad sumagot na” Yes po kasi wala kaming police authority.”
Bilin naman ni Tulfo na hindi dapat magtapos sa sumbong ang PAGCOR kundi dapat ay i-pressure ang mg awtoridad na hulihin ang mga illegal online sites.
Ayon pa rin kay Tengco nagsabi na ang DICT na nahihirapan silang malinis ang lahat ng e-sabong sites dahil gumagawa lamang ang mga ito ng bago kapag naipasara.
Pagbabahagi pa ng senador na may mga impormasyon na may ilang retiradong heneral ng pulisya ang operator ng illegal e-sabong at duda niya ito ang dahilan kayat hindi maipasara ang mga ito.
Ani ni Tulfo kay Tengco, magpasaklolo na sa pamunuan ng PNP o kahit sa Malakanyang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.