Nakipag-ugnayan na si Esperanza, Agusan del Sur Mayor Deo Manpatilan Jr., sa Department of Health (DOH) para sa pag-iimbestiga sa sinasabing pagkalason ng humigit kumulang 200 katao sa Barangay Tandang Sora kahapon.
Nabatid na nakausap na ni Manpatilan Jr., sina Dr. Dioharra Appari ng DOH-Caraga Epidemiology and Surveillance Unit, kasama sina Provincial Health Officer Dr. Jacqueline Momville at Municipal Health Officer Ma. Theresa Labiao.
Base sa paunang ulat, 216 residente ang nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagtatae at pagsusuka ilang oras kainin ang inihandang pagkain ng Philippine Red Cross.
Ang mga biktima ay kabilang sa mga naapektuhan ng pagbaha sa lalawigan.
Sa bahagi naman ng PRC, sinabi na sinuspindi muna ang feeding programs sa lalawigan hanggang walang resulta ang isinasagawang imbestigasyon.
Nanindigan din ang Red Cross na masinop ang ginawang paghahanda sa mga pagkain sa kanilang feeding program.
Nabatid naman na hanggang kagabi, 90 sa mga biktima ang naka-uwi na matapos gamutin sa ospital.