Ikinukunsidera ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagbibigay ng tax-break sa e-motorcycles.
Inaasahan na anumang araw ay aamyendahan ang executive order para mabago ang tariff rates sa electric vehicles (EVs), kasama ang e-motorcycles.
Una nang sinabi ni Socio Economic Sec. Arsenio Balisacan na rerepasuhin ang Executive Order No. 12, series of 2022 na inilabas para palakasin ang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), sa layuning maisulong ang EVs sa bansa para matulungan itong maitulak ang green transport at mabawasan ang carbon emissions.
Maliban sa e-motorcycles, na hindi kasama sa tariff suspension at pinapatawan pa rin ng 30 percent import charge, ang iba’t ibang uri ng electric vehicles at mga component nito ay nakakuha ng mas mababang taripa sa ilalim ng EO12 mula sa dating lima hanggang 30 porsiyento sa kasalukuyang zero percent import duty.
Ang NEDA ang ahensiya na nagrekomenda sa pagpapatupad ng EO12 sa loob ng limang taon upang baguhin ang tariff rates para sa ilang EVs at mga parts at components nito.
Umapila na ang industry stakeholders sa taripa sa e-motorcycles sa katuwiran na marami sa mga motorista sa kasalukuyan sa bansa ay gumagamit ng motorsiklo.
Base na ito sa datong ng Land Transportation Office (LTO), gayundin sa Statista Research Department, na nagsabing nasa 7.81 million private motorcycles at tricycles ang nakarehistro sa Pilipinas hanggang noong 2022.
Inihain na rin si Albay Rep. Joey Salceda ang House Bill 9573, na naglalayong rebisahin ang EO12, upang isama ang e-motorcycles ss EVs na nabibigyan ng tax breaks.
“Some 60 percent of electric vehicles are two-wheeled, meaning that the vast majority of electric vehicles do not benefit from the tax incentives granted under the law… encouraging electric cars while locking out electric motorcycles does not address congestion issues, but merely substitutes petroleum-fueled cars for their space on the road,” banggit ni Salceda sa kanyang panukala.