Nagka-ayos na sina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez.
Ngunit pag-amin ni Zubiri hindi niya masasabi kung titigil na ang pag-iimbestiga ng Senate Committee on Electoral Reforms, na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos, ukol sa kontrobersiyal na people’s initiative.
Kahapon, nagkita sa Malakanyang ang dalawang lider ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa selebrasyon ng ika-100 kaarawan ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile.
Nagkamayan at nagyakapan pa sina Zubiri at Romualdez.
Sa panayam kay Zubiri nang magbalik ito sa Senado mula sa Malakanyang, sinabi niya na hindi naman niya mapipigil ang mga namumuno ng ibat-ibang komite sa pagsasagawa ng public hearing “in aid of legislation.”
Idinagdag na lamang niya na kakausapin niya si Marcos at susubukan na kumbinsihin na tapusin na ang pagdinig ukol sa PI.