May 45 nagsisimba para sa paggunita ng Miercules de Ceniza o Ash Wednesday ang nasugatan nang bumagsak ang bahagi ng ikalawang palapag ng Parokya de San Pedro Apostol sa San Jose del Monte City sa Bulacan pasado ala-7 ngayon umaga.
Sa impormasyon mula sa City Public Information Office, may mga pagtili at pagsigaw bago bumagsak ang bahagi ng ikalawang palapag.
Ang mga sugatan ay isinugod sa Lungsod ng San Jose del Monte, Tala Hospital, Brigino General Hospital, Skyline Hospital, Labpro Diagnostic Center at Grace General Hospital.
Tiniyak naman ni Mayor Arthur Robes na sasagutin ng pamahalaang-lungsod ang pagpapagamot sa mga sugatan.
Sa ngayon, hindi na muna gagamitin ang ikalawang palapag ng simbahan bagamat magpapatuloy ang mga aktibidades, kasama na ang pagselebra ng Banal na Misa.
Inaalam na rin ang sanhi ng aksidente.