Nabunyag sa pagdinig sa Senado na dalawang dekada ng nag-expire ang rehistro ng grupong People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa testimoniya ni SEC security review counsel, Atty. Katrina Miranda, Pebrero 10 nang mapawalang-bisa ang rehistro ng PIRMA bunga ng kabiguan ng grupo na makapagsumite ng mga dokumento na hiningi ng komisyon.
“Since the time of their incorporation, they have not submitted any reportorial requirements with the SEC based on our records,” sabi pa ni Miranda.
“Walang korporasyon? Walang papel? Walang resibo? Ano ba ito? Lahat kababalaghan!” wika naman ni Sen. Imee Marcos, ang namumuno sa nagsisyasat na komite.
Sa bahaging ito, inusisa din ni Marcos ang mga kilalang opisyal ng PIRMA na sina Alberto Pedrosa, Carmen Pedrosa, Alfonso Policarpio, Eliza Salapantan at Horacio Montefrio.
Ayon kay Miranda ang mga nabanggit na pangalan ang nasa kanilang records, ngunit diin niya wala ng “update” ukol sa estado ng mga ito sa PIRMA.
Dagdag pa nito ang tanging pinanghahawakan nila ay ang By-laws at Articles of Incorporation ng grupong pasimuno ng nabunyag na people’s initiative.
Sa pagtatanong pa rin ni Marcos, nalaman na hindi nabanggit sa mga dokumento sina Noel Onate, Atty. Anthony Abad at ang Gana, Atienza, Avisado Law Office.
Depensa naman lamang ni Avisado na hinihintay na lamang nila ang tugon ng SEC sa kanilang mga hakbang hinggil sa rehistro ng PIRMA bagamat pag-amin niya batid nila na expired na ito.
Dito ay napangaralan sila ni Marcos dahil sa pagsisimula ng people’s initiative ng walang mga kinauukulang dokumento.